Roma 11:33 Napakasagana ng kayamanan ng Diyos! Di matarok ang kayamanan, karunungan at kaalaman ng Diyos! Hindi malirip ang kanyang mga panukala at pamamaraan! Gaya ng nasusulat:
34 “Sapagkat sino ang nakaalam sa pag-iisip ng Panginoon,
O sino ang naging tagapayo niya?”
35 “Sino ang nakapagkaloob ng anuman sa Diyos
Para siya nama’y gantimpalaan?”
36 Sapagka’t mula sa Kanya at sa pamamagitan Niya at sa Kanya ang lahat ng bagay. Sa Kanya ang karangalan magpakainlanman! Amen.
Narinig mo na ba ang Diyos na nagsalita ng ganito, “Celia, ano sa palagay mo ang dapat mangyari?... anong panukala mo tungkol dito?” Imposible, di ba? Sinong magsasabi sa Diyos ng dapat at di dapat mangyari? Sinong makatatarok ng kanyang panukala at pamamaraan? Sinong makakaabot ng kanyang karunungan? Kung naguguluminahan ka at hindi mo alam ang dapat gawin, tanungin mo Siya, maghintay ka ng kasagutan at ang kailangan lang ay matuto kang sumunod sa Kanya.
1. God is our source. Santiago 1:17 “Bawa’t kaloob na mabuti at ganap ay buhat sa langit, mula sa Ama na lumikha ng mga tanglaw sa langit. Hindi Siya nagbabago. Hindi Niya tayo iniiwan o binabayaan man sa dilim.”
Sino ang nagbigay sa iyo ng katalinuhan? Nagpapasalamat ka ba sa Kaniya bago kumain? Bawa’t biyayang tinatanggap mo ay galing sa Kanya kaya marapat lamang na ibalik mo sa Kanya ang para sa Kanya. Kung nagbibigay ka ng “ikapu”, ibig bang sabihin nito’y may utang ang Diyos sa iyo? …para ikaw ay gantimpalaan? Walang siyang utang kaninuman sapagkat ang lahat ng bagay na mabuti ay nagmumula sa Kanya.
Deuteronomio 8:17 “Kaya, huwag ninyong isasaloob na ang kayamanan ninyo’y bunga ng sariling lakas at kakayahan. 18 Alalahanin ninyong Siya ang nagbibigay sa inyo ng lakas upang managana kayo, at ito’y bilang pagtupad Niya sa kanyang pangako sa inyong mga ninuno.”
1 Corinto 4:7 “Ano ang kahigtan ninyo sa iba? Hindi ba lahat ng nasa inyo’y kaloob ng Diyos? Kung gayon, bakit ninyo ipinagyayabang na waring hindi kaloob sa inyo?”
Sa isang iglap, puedeng bawiin ng Panginoon ang lahat ng biyayang ipinagkaloob Niya sa atin maging ito man ay katalinuhan o kayamanan. Ibahagi mo ito, kapatid, sapagkat biniyayaan ka ng Diyos upang maging biyaya rin sa iyong kapwa.
Ano ang marapat nating gawin? Awit 103:1-2 “Si Yahweh ay papurihan, purihin mo, kaluluwa, Ang pangalan Niyang banal purihin mo sa tuwina. Ikaw, aking kaluluwa, ang Diyos ay papurihan, at huwag mong lilimutin yaong kanyang kabutihan.”
2. God is our guide. Ang Diyos ang ating patnubay. Kahit saan tayo pumunta, sa Norte man o sa Hilaga, sa America man or sa Iraq, ang Diyos pa rin ang ating gabay magpakailanman.
Awit 32:8 “Ang sabi ni Yahweh, “Aking ituturo ang ‘yong daraanan, Ako ang sa iyo’y magbibigay-payo, kita’y tuturuan.”
Awit 119:105 “Salita mo’y isang tanglaw na sa akin ay patnubay. Liwanag na tumatanglaw sa landas kong daraanan.”
Isaias 30:21 “Maririnig ninyo ang Kanyang tinig at Siya ang laging kaalakbay Ninyo upang ituro ang inyong daraanan.”
Juan 16:13 “Pagdating ng Espiritu ng katotohanan, tutulungan Niya kayo upang maunawaan ninyo ang buong katotohanan. Sapagkat magsasalita Siya hindi sa ganang Kanyang sarili; sasabihin Niya sa inyo ang Kanyang narinig, at ipapahayag ang mga bagay na darating.”
1 Corinto 2:9-10 Ganito ang sinasabi ng Kasulatan, “Hindi pa nakikita ng mata, ni naririnig ng tainga, hindi pa rin sumasagi sa isip ng tao, ang inihanda ng Diyos sa mga umiibig sa Kanya.” Subalit ito’y inihayag ng Diyos sa atin sa pamamagitan ng Espiritu. Nasasaliksik ng Espiritu ang lahat ng bagay, maging ang pinakamalalim na panukala ng Diyos. 11 Walang nakakaalam sa iniisip ng isang tao maliban sa kanyang sariling espiritu. Gayon din naman, walang nakaaalam sa mga iniisip ng Diyos maliban sa Espiritu ng Diyos. 12 Hindi ang espiritu ng sanlibutan ang tinanggap natin upang ating maunawaan ang mga kaloob Niya sa atin."
Hindi ako perpektong tao, kung minsan nagkakamali rin, lumilihis ng landas pero nandyan ang Diyos na laging nakasubaybay at handang itama ang bawat mali kong gawain. Para akong kotse na minsan pumapalya sa kanan, minsan sa kaliwa pero agad-agad itinatama ng Panginoon at ginagawang deretso ang takbo ng buhay ko. Sa paanong paraan? Kapag nagkasakit kayo, tinatanong ninyo ba ang sarili ninyo kung bakit kayo nagkasakit? Lahat ng bagay na mangyari sa inyong buhay ay may kadahilanan, pinahintulutan iyon ng Panginoon para na rin sa inyong kabutihan kaya marapat lamang na Siya’y pasalamatan sa lahat ng bagay mabuti man o masama sa ating paningin sapagkat Siya lamang ang nakakaalam ng bukas.
3. God is our goal. Ang lahat ng ating gagawin ay para sa ikaluluwalhati ng Panginoon. Siya ang ating tanging layunin sa buhay. Ngayong 2008, kasama ba ang Panginoon sa ating mga balak sa buhay? Itinatanong ba natin sa Kanya ang bawat pinag-iisipan nating balangkas upang matupad ang ating mga layunin?
2 Corinto 5:9 “Kaya naman, ang pinakananais ko ay maging kalugud-lugod sa Kanya, sa tahanang ito o doon man sa langit.”
1 Corinto 10:31 “Kaya nga, kung kayo’y kumakain o umiinom, o anuman ang ginagawa ninyo, gawin ninyo ang lahat sa ikararangal ng Diyos.”
Colosas 3:17 “At anuman ang gagawin ninyo, maging sa salita o sa gawa, gawin ninyong lahat sa pangalan ng Panginoong Jesus, at sa pamamagitan Niya’y magpasalamat kayo sa Diyos Ama.” Kaya nga sa lahat ng ating mga panalangin ay laging sa pangalan ni Jesus natin hinihiling sa Ama.
Mateo 6:21 “Sapagkat kung saan naroon ang inyong kayamanan, naroon din naman ang inyong puso.”
Ang siyang pinakamahalaga sa iyo ay siya mong yayakapin sa lahat ng oras…dahil ito’y mahal mo. Kung kotse ito, yayakapin mo ba itong madalas? Hindi mo na iiwanan kahit na sa gabi hanggang dito ka na matulog sa buong magdamag kasi baka nakawin. Kung alahas man ito, hindi mo na ito aalisin sa iyong katawan at baka mawala pang tuluyan. Kung pera sa bangko, lagi mong titingnan ang balanse mo at baka maglaho ito kasama ng mga may ari ng bangko. Ang mga material na bagay ay puedeng mawala, manakaw o puksain ng anay or kalawang. Ngunit ang mga bagay na di nakikita katulad ng pag-ibig sa Diyos at pag-ibig sa kapwa ay mananatili magpakailanman.
Ano ang laman ng iyong puso, kapatid? Kung ang Diyos ang laman ng iyong puso, ibahagi mo Siya sa lahat sapagkat iyon ang naaayon sa Kanyang kalooban at pagpapalain ka sa pagsunod sa ninanais Niya.
Isaias 45:9-10 Ang palayok ba ay makapagrereklamo sa gumawa sa kanya? Maitatanong ba ng luwad sa magpapalayok kung ano ang ginagawa nito? Masasabi ba ng palayok na hindi sanay ang gumawa sa kanya? May anak bang makakapagsabi sa kanyang mga magulang na, “Bakit ginawa ninyo akong ganito?”
Noong highschool po ay talagang mahiyain ako, laging nakatungo, bihirang magsalita, daig pa ang makahiyang damo na masaling mo lamang ay tumitikom na. Tinatanong ko rin ang Diyos bakit Niya ako ginawang ganoon? Bakit hindi ako kasing ganda ng kaklase ko? Bakit hindi ako kasing talino ni ganoon o ganito? Lagi kong kinukumpara ang sarili ko sa iba at dahil doon ang pakiramdam ko’y talo ako. Ngayon po’y natutuhan ko nang ikumpara ang sarili ko ngayon sa nakaraan at nakikita ko ang malaking pagbabago…nagkaroon na ako ng pagtitiwala sa sarili, hindi pa lubos pero papunta na roon, marunong na akong makipag kaibigan, kahit sino puede ko nang kausapin, maging Pilipino man o banyaga, marunong na rin akong ngumiti na hindi tipid kundi mula sa puso, natututo na rin akong intindihin ang kapwa ko at hindi lang ang nais kong mangyari. . . sa madaling salita, nagbabago ako para sa Diyos at kontento na ako kung ano ang ibinigay sa akin ng Panginoon dahil alam kong ginawa akong ganito ng Diyos para sa isang mahalagang layunin at sumusunod ako sa Kanya upang matupad ang layuning iyon. Nakikiisa ako sa katuparan ng Kanyang mga pangako sa lahat ng tao at ito’y nagbibigay sa akin ng walang hanggang kaligayahan.
Thursday, April 17, 2008
Subscribe to:
Posts (Atom)