“Naghahanap ako sa gitna nila ng isang taong maaaring magtayo ng pader, at sa puwang nito’y tumayo sa harapan ko para sa kapakinabangan ng lupain upang hindi ko na iyon wasakin, ngunit wala akong makita.”
- Ezekiel 22:30
Sa aklat ni Ezekiel, makikita po natin dito ang kasamaan hindi lamang ng mga pinuno ng Israel kundi ng mga mamamayan at ang banta ng Diyos na wasakin ang buong lupain dahil sa nakapopoot nilang mga kasalanan. Ang sabi Niya sa susunod na talata bilang 31, “Kaya, ibubuhos ko sa kanila ang nag-aalab kong poot at sila’y aking lilipulin. Sisingilin ko na sila sa masasama nilang gawain.” Mahabagin ang Diyos at mapagpatawad ngunit kaalinsabay nito ay pinaiiral pa rin Niya ang hustisya na may kaparusahan ang mga makasalanan. Naghahanap Siya ng isang tagapamagitan na mananalangin sa Kaniya para sa iba upang hindi na matuloy ang pagwasak sa bansa. Ngunit ang sabi sa talata, “wala akong makita”.
Mayroon po tayong 5 dapat tandaan sa talatang nabanggit:
1. Dahil sa kasalanan, nagkakaroon ng puwang sa pagitan ng Diyos at ng tao. At kapag nagkaroon na ng puwang, doon na pumapasok ang mga sakit, sakuna, pagkalumbay, galit at iba pang negatibong aspeto ng buhay. Nawawala ang mga biyaya at napapalitan manawari ng ibat- ibang problema sa buhay. Ang ibig sabihin nito ay wala ka na sa pagkalinga ng Panginoon dahil sa nagawa mong kasalanan at kung ikaw ay magmamatigas at hindi hihingi ng kapatawaran, kaparusahan ang kapalit nito.
2. May paraan para madugtungan ang puwang na ito at mapunan ang kamaliang ginawa laban sa Diyos…sa pamamagitan ng paghingi ng tawad, taimtim na panalangin at pagbabago ng pagkatao at kaluluwa. Si Moises ay namagitan sa puwang na ito ng Israel at ng Diyos ng taimtim niyang ipagdasal ang bayan ng Israel sa Awit 106:23, “Ang pasya ng Diyos sa ginawa nila’y lipulin pagdaka, agad na dumulog kay Yahweh, si Moises namagitan siya, at hindi natuloy yaong kapasyahan na lipulin sila.”
3. Kapag napagpasiyahan na ng Diyos na lipulin ang mga masasamang tao, naghahanap Siya ng kahit isang tagapamagitan na magdarasal para sa kanila. Bakit? Dahil isang katangian ng Diyos ang pagkamahabagin at ninanais Niya na bigyan ng habag ang mga nagtitika sa kanilang mga kasalanan. Katulad ni Abraham para sa Sodom, hinanap Niya si Abraham at tinawag para maging tagapamagitan at siya’y lubos na nagalak sa Kanyang natagpuan. Basahin natin ang Genesis 18:16-33. Dito’y malalaman natin kung paano nakikipagtawaran si Moises sa Diyos na kung may 10 taong matuwid na makita sa Sodom, hindi na wawasakin ng Diyos ang lungsod.
4. Isang malaking babala sa mga tao kapag nahaharap na sa napipintong paghuhukom at wala ni isang tagapamagitan man lamang sa kanila. Kapag ang espiritu ng panalangin ay sadyang pinigilan at wala ni isa man na magbibigay ng magandang pahayag sa mga taong hahatulan ng Diyos, isang masamang signos ito ng pagkawasak ng isang bansa at ng mamamayan nito.
5. Kapag nangyari nga ito na wala ni isa mang tagapamagitan, ang kahihinatnan ay sadyang pagkawasak ng buong bansa at lahat ng mamamayan. Ezekiel 22:31 “Kaya , ibubuhos ko na sa kanila ang nag-aalab kong poot at sila’y aking lilipulin. Sisingilin ko na sila sa masasama nilang gawain.” Ano man ang parusang idulot sa mga tao, ito’y dahilan na rin sa kanilang kasamaan na kailangan ng putulin ng Diyos, at ang kaparusahan ay pagpupuno lamang sa kanilang mga pagkukulang.
Anu-ano ang mga katangian ng tagapamagitan:
1. Isang pusong handang manalangin sa Diyos para sa iba. Ibig sabihin nito ay isang pusong hindi makasarili bagkus mapagmahal sa kapwa niya at iniibig ang kabutihan ng iba.
2. Ang puso niya ay katono ng puso ng Diyos…busilak, maputi katulad ng snow, walang bahid ng kasalanan dahil hinugasan na ng dugoni Kristo Jesus, mapagmahal, mahabagin, mapagpatawad, mapagbigay sa kapwa, matulungin, laging masaya, hindi mainitin ang ulo, makatarungan, at walang kapaguran sa paghahanap ng kanyang mga tupa.
3. May lubos na kamalayan kung ano ang nakataya para sa kaniyang bayan. Alam niya kung ano ang mangyayari sakaling hindi siya mamagitan para sa mga taong hahatulan na ng Diyos.
4. Mananatili sa harap ng Diyos hangga’t kailangan upang magtamo ng sagot ng Diyos. Siya ay matiyagang manalangin kahit na abutin pa ng kung ilang taon hanggang matamo niya ang sagot ng Diyos. Kung minsan kasi ang panalangin natin ay hindi agad-agad ibinibigay sa atin. Iyon ay matatanggap natin sa tamang panahon ayon sa kalooban ng Diyos.
5. Hindi nagpiprisinta na maging isang tigapamagitan ng Diyos sa panalangin. Siya ay kusang tinatawag ng Diyos.
Tayo po bang lahat ay nanalangin para sa iba? Huwag po tayong mag-alala na hindi sasagutin ng Diyos ang ating mga panalangin bagkus magkaroon tayo ng katiyakan sa ating mga puso na narinig ng Diyos ang ating mga panalangin at Siya ay kumikilos na para magkaroon ng katuparan ang ating mga hinihiling. Sa Mateo 7:7 nangangako ang Diyos na kapag tayo ay humingi, tayo ay makakatanggap. Maglaan tayo ng panahon para sa panalangin dahil kung hiwalay tayo sa Diyos, wala tayong magagawa (Juan 15:5). Kung hindi lubos na malalim ang pagkakilala natin sa Diyos at sa Kanyang kalooban, walang kabuluhan ang lahat ng ating paggawa. Ang paglalaba, pamamalantsa, at paglilinis ng bahay…makapaghihintay yan, dapat nating unahin ang panalangin para maiwasto lahat ang ating gagawin.
Ang panalangin para sa iba ay isang gawaing marangal at puedeng gawing mag-isa lang o kasama ng iba. Mas marami ang nagdarasal, mas mabuti ang kahihinatnan at mas lalung naririnig ito ng Diyos dahil Siya ay pumapagitna sa kapisanan ng mga nagdarasal. Maaari na maraming araw o mga taon ang bilangin bago mo makita ang bunga ng iyong pagpapagal. Ngunit tanging ang mga nananalangin lamang para sa iba ang tumatayong namamagitan sa isang pamilya at sa paghatol ng Diyos o sa pagitan ng isang tao o ng isang bansa at sa galit ng Diyos.
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment