Saturday, September 12, 2009

Paano ba maging kalugod-lugod sa Diyos?

Exodo 33:17 "Sige, gagawin ko ang hiling mo sapagkat ako'y lugod na lugod sa iyo at kilalang-kilala kita, " sabi ni Yahweh.



Ang kausap dito ng Diyos ay si Moises. Paano ba siya naging kalugod-lugod sa Diyos? Masarap isipin na tayo rin ay kinalulugdan at kilalang-kilala ng Diyos katulad ni Moises...na ang bawa't hiling natin ay pinagbibigyan ng Diyos. Paano natin mararating ang ganitong kalapit na relasyon sa Diyos?



Ating basahin ang Exodo 33:12-23. Inaalam ni Moises ang mga panukala ng Diyos para masunod niya ang mga ito at patuloy na malugod sa kanya ang Diyos (v 13). Nababasa ng Diyos ang puso ni Moises at dito nakikita Niya ang pagmamalasakit ni Moises sa mga Israelita at kaisa siya ng Diyos sa hangaring mapalaya ang mga ito sa pagiging alipin ng mga tiga-Egypto. Makikita rin dito na hinahangad ni Moises na makasama nila ang Diyos sa kanilang paglalakbay upang malaman ng lahat na sila'y higit sa iba dahil sa Diyos (v 16). Hinahanap din niya lagi ang Diyos at gusto niyang makita ang anyo ng Diyos at ang Kanyang mga katangian (v18-19). Ibig sabihin nito, ang laman ng kanyang isip ay ang Diyos at kung paanong mapalapit sa Kanya. "Ipadarama ko ang aking pag-ibig at awa sa sinumang aking kinalulugdan.", ang sabi ni Yahweh. Paano mo mararanasan ang pag-ibig at awa ng Diyos? Kailangan munang ibigin mo at sundin Siya ng buong puso, buo mong pag-iisip, buo mong kaluluwa at ng iyong buong lakas...kapag nagawa mo na ito wala ng matitira pa para sa paggawa ng kasalanan.



Ang Kanyang pahayag sa Kawikaan 8:17, "Mahal ko silang lahat na sa Aki'y nagmamahal, Pag hinanap Ako ng masikap, tiyak na masusumpungan." Hanapin Siya ng masikap...hindi tatamad-tamad, maglaan ng panahon para sa Kanya sa panalangin at pag-aaral ng Kanyang mga Salita. Kung tunay mo Siyang mahal aalamin mo ang Kanyang mga katangian at kung paano maging kalugod-lugod sa Kanya, hindi sa anupamang bagay kundi dahil mahal mo Siya. Masasabi mo bang mahal mo ang isang tao kung hindi mo siya kilalang lubusan? ...ni hindi mo man alam kung ano ang paborito niyang pagkain o himig na inaawit sa tuwina? o kung ano ang gusto niyang gawin sa araw-araw? o ano ang magpapaligaya sa kanya? Ang tunay na nagmamahal ay alam kung ano ang magpapaligaya sa kanyang minamahal. Kung alam mo na kung ano ang magpapaligaya sa Diyos at ginagawa mo ang mga bagay na ito, tunay mo nga Siyang mahal!



Ang pagpupuri sa Diyos sa pamamagitan ng mga awit na kasabay ng sayaw ay lubos na kinalulugdan ng Diyos. Awit 149:1 O si Yahweh ay purihin, awitan ng bagong awit, Purihin sa pagtitipon ng tapat sa pananalig. 3 Purihin sa pagsasayaw, purihin ang Kanyang ngalan; Alpa't tambol ay tugtugin, at siya ay papurihan. 4 Si Yahweh ay nagagalak sa Kanyang mga hirang, Sa nangagpapakumbaba'y tagumpay ang ibibigay.



Dapat nating tandaan na ang pagpupuri sa Diyos ay laging sinusundan ng tagumpay. Kapag tayo'y nagpupuri sa Kanya, inaamin natin na ang lahat ng bagay ay nagmula sa Kanya, at hindi mangyayari ang isang kabanata ng buhay natin kung hindi Niya pinayagang mangyari iyon...at nangyari iyon para sa lalu nating ikabubuti. Nagpapakumbaba tayo at nagpapasakop sa Kanya na lalung higit ang kapangyarihan sa anumang problema o bagyong dumaan. Kaya nga Niyang utusan ang malakas na hangin o ipo-ipo man at sila'y walang pag aalinlangang susunod sa Kanya.



Ang isa sa mga pinakamagandang kuwento sa Bibiya ay ng sakupin ni Josue at ng mga Israelita ang Jericho (Josue 6). Ang Jericho ay may isang "massive wall" na itinayo sa paligid ng siudad na walang sinumang kaaway na makalalampas dito. Inutusan lamang ng Diyos ang mga Israelita na lumigid sa palibot ng Jericho minsan isang araw sa loob ng ng anim na araw, at sa ikapitong araw hihipan ng malakas ang mga tambuli at sisigaw ng ubod-lakas ng pagpupuri sa Diyos at sa sandaling iyon, babagsak ang muog at walang sagabal na masasakop nila ang Jericho.



Uulitin ko ang pinakamalagang aral na ating dahat tandaan: Ang pagpupuri sa Diyos ay laging sinusundan ng tagumpay. Ito'y dahil nalulugod ang Diyos sa ating mga pagpupuri at ang bawa't hiling ng ating puso ay kanyang pagbibigyan.



Colosas 3:16 Ang mga salita ni Cristo ay itanim ninyong mabuti sa inyong isip. Mag paalalahanan kayo at magturuan nang buong kaalaman. Umawit kayo ng mga salmo, mga imno, at mga awiting espirituwal, na may pagpapasalamat sa Diyos.



Awit 59:16 Ngunit aawit ako, Pagkat ang taglay mo'y pambihirang lakas, Sa tuwing umaga ang aawitin ko'y pag-ibig mong wagas. 17 Pupurihin kita, Tagapagtanggol ko at aking kublihan, Diyos kong mapagmahal.



Katulad ni David na nagpupuri sa Diyos kasabay ng pagsayaw, purihin natin Siya na may galak ang puso at ipadamang mas malaki Siya sa pinakamalaki man nating problema. Ialay natin ang ating sarili bilang handog na buhay, banal at kalugud-lugod sa Kanya (Roma 12:1). Ito ang karapat-dapat na pagsamba sa Diyos.



Huwag nating ipailalim sa kapangyarihan ng kasalanan ang alinmang bahagi ng ating katawan bilang kasangkapan ng kasamaan. Sa halip, pasakop tayo sa Diyos bilang mga taong namatay at muling binuhay at ihandog sa Kanya ang buo nating pagkatao bilang kasangkapan ng katuwiran (Roma 6:13).



Sa gayon, kalulugdan Niya ang ating pag-awit na may kasabay na pagsayaw. Kaunting paalala lamang...hindi malulugod ang Diyos sa ating pagsamba o pagpupuri kung tayo'y nasa ilalim pa ng kasalanan...ni hindi Niya gustong marinig ang mga awit mo kung ikaw ay may itinatago pang kasalanan sa iyong buhay...baka sa halip na matuwa Siya ay mabuwisit pa Siya sa kakakanta mo ng wala sa tono...ibig kong sabihin wala pa sa estado na ikaw ay pinatawad na, pinalinis at pinaging ganap na ng dugo ni Kristo. Katulad ng mga pag aalay noong unang panahon, kailangang walang kapintasan ang iyong alay sa Diyos...pinaging dapat ni Kristo Jesus.



Kawikaan 15:8 Kasuklam-suklam kay Yahweh ang handog ng masama, Ngunit sa daing ng matuwid Siya ay natutuwa. 9 Sa gawang masama, si Yahweh ay namumuhi, Ngunit Kanyang minamahal ang sa matuwid ay lumalagi.



Ni ayaw nga Niyang marinig ang panalangin ng mga makasalanan pa. Panaghoy 3:44 Ang galit mo'y tila makapal na ulap na hindi malampasan ng aming mga dalangin. Juan 9:31 Alam nating hindi pinapakinggan ng Diyos ang mga makasalanan, ngunit pinakikinggan Niya ang mga tunay na nagmamahal sa Kanya.



"Patuloy na lumaki si Hesus. Umunlad ang Kaniyang karunungan at lalong kinalugdan ng Diyos at mga tao." (Lukas 2:52)

Si Hesus ang ating ganap na modelo na dapat tularan upang kalugdan tayo ng Diyos Ama. Umunlad siya sa karunungan, pisikal na anyo, espirituwal at sosyal...at lalo siyang kinalugdan ng mga tao (Lukas 2:52). Kailangang magkaroon tayo ng balanseng pamumuhay at ilagay sa tamang lugar ang bawat aspeto ng ating buhay.

"Si Samuel nama'y patuloy na lumaking kalugod-lugod kay Yahweh at kinagigiliwan ng mga tao." (1 Samuel 2:26)

Kailangan tayong magplano para sa sarili nating pag unlad sa lahat ng aspeto ng ating buhay. Importante na lumawak ang ating kaalaman hindi lamang sa Salita ng Diyos kundi sa mga bagay na magdudulot sa atin ng pag-unlad...kailangang magsanay tayo sa mabuting pakikitungo sa iba, sa pakikipag-usap, sa pang-unawa, at sa pakikisalamuha.

"Ang layunin ng tagubiling ito ay pabukalin ang pag-ibig buhat sa pusong dalisay, malinis na budhi, at tapat na pananampalataya." (1 Timoteo 1:5)

"...pagsikapan mong maging huwaran ng mga sumasampalataya: sa pananalita, ugali, pag-ibig, pananampalataya, at kabanalan." (1 Timoteo 4:12)

Wednesday, September 2, 2009

Ang paghihintay ay katumbas ng pagtitiwala...

Isaias 40

6 "Magpahayag ka," ang sabi ng tinig. "Ano ang ipapahayag ko?" tanong ko. Sumagot siya, "Ipahayag mong ang tao ay tulad ng damo, ang kanyang buhay ay tulad lamang ng bulaklak sa parang.

7 Nalalanta ang damo at ang mga bulaklak ay kumukupas, kung sila'y mahipan ng hangin. Ang tao nga ay tulad lamang ng damo.

8 Oo, ang damo'y nalalanta, at kumukupas ang mga bulaklak, ngunit ang salita ng Diyos ay hindi lilipas.



Mayroon ka bang alam na tao na nanatiling maganda o makisig sa habang panahon? Lahat at tumatanda, kumukupas maging ang pinakamaganda at pinakaguapong tao sa mundo. Tulad lamang tayo ng damo na nalalanta at ng bulaklak sa parang na kung mahipan na ng hangin ay nalalaglag at kumukupas. Kapag matanda na ay kulubot na ang balat, manipis ang buhok, wala ng ngipin, malabo na ang mga mata maging ang pandinig, laylay na ang balikat at mahina na ang tuhod (Mangangaral 12). Ito'y mga senyales na malapit ng magwakas ang ating mga araw sa mundo. Bagama't hindi natin alam ang takdang araw at oras kung kailan tayo mamamatay, ang mga bagay na ito ang nagpapahiwatig na sadyang malapit na nga ang takdang araw na iyon.


Sabi sa Mangangaral 12:1 Alalahanin mo ang Lumikha sa iyo sa panahon ng iyong kabataan bago dumating ang mga araw at taon na puno ng kaguluhan, panahong hindi mo na madama ang tamis ng mabuhay.

Paano mo nga aalalahanin ang Lumikha sa iyo? Basahin mo ang Kanyang mga Salita sa Bibliya. Ito ang magpapaalala sa iyo ng Kanyang mga kamangha-manghang ginawa at gagawin pa para sa iyo. Ito rin ang magpapaalab ng lumalamig mo ng pag-ibig sa Kanya...mga Salitang hindi lumilipas o kumukupas man, dumaan man ang maraming bagyo at unos sa buhay mo...mga Salitang magpawalang hanggan na magpapatibay ng iyong pananampalataya sa Kanya.

Isaias 40

27 Israel, bakit ikaw ay nagrereklamo na tila di alintana ni Yahweh ang kabalisahan mo, at tila di pansin ang iyong kaapihan?

28 Di ba ninyo alam, di ba ninyo talos, na itong si Yahweh ang walang hanggang Diyos? Siya ang lumikha ng buong daigdig, hindi Siya napapagod; sa isipan Niya'y walang makatatarok.

29 Ang mga mahina't napapagal ay pinalalakas.

30 Kahit kabataan ay napapagod at nanlulupaypay.

31 Ngunit ang nagtitiwala kay Yahweh ay magpapanibagong sigla. Ang lakas nila'y matutulad sa walang pagod na pakpak ng agila. Sila'y tatakbo ng tatakbo ngunit hindi manghihina, lalakad ng lalakad ngunit hindi mapapagod.

May mga panahon ba na sa iyong pagdarasal itinatanong mo sa Diyos kung bakit tila mandin hindi Niya dinirinig ang iyong mga panalangin? Bakit ka nababalisa at nagkukulang ng tiwala sa Kanya? Hindi ba Niya alam ang nangyayari sa iyo? Hindi pa man bumubukas ang iyong bibig ay alam na Niya ang iyong mga kailangan. Ang paghihintay ay katumbas ng malaking pagtitiwala sa Diyos na lumikha ng buong sandaigdig na ito. Mayroon bang mahirap gawin para sa Diyos? Siya ba'y napapagod at natutulog na katulad natin? Mayroon bang makatatarok ng Kanyang kaisipan o may tao bang hihigit pa sa Kanyang talino at kapangyarihan?

Ano ang dapat nating gawin sa mga oras ng ating paghihintay sa Kanyang kasagutan? Lubos na magtiwala sa Diyos! Dahil ang nagtitiwala sa Diyos ay nagkakaroon ng panibagong sigla, natutulad ang lakas nila sa walang pagod na pakpak ng agila. Sila'y tatakbo ng tatakbo ngunit hindi manghihina, lalakad ng lalakad ngunit hindi mapapagod. Sinasanay tayo ng Diyos sa pakikibaka sa anumang unos na dumating sa ating buhay. Pinatatatag Niya ang ating espirituwal na katauhan na mas mahigit at lalong mas mahalaga sa panlabas na katauhan...pagsasanay na tiyak na magbubunga para sa atin ng mas maganda at matagumpay na buhay dito sa mundo at lalung higit sa langit sa piling ng Amang Diyos at ng Anak na nagdusa at nagbuwis ng buhay para sa atin.

Ibinigay na nga Niya ang Kanyang bugtong na Anak para sa atin, mayroon pa ba Siyang hindi kayang ibigay para sa ikabubuti ng mga nagmamahal sa Kanya?

Click this website for a beautiful song entitled May Bukas Pa:

http://www.youtube.com/watch?v=a9hy7eWEURM