6 "Magpahayag ka," ang sabi ng tinig. "Ano ang ipapahayag ko?" tanong ko. Sumagot siya, "Ipahayag mong ang tao ay tulad ng damo, ang kanyang buhay ay tulad lamang ng bulaklak sa parang.
7 Nalalanta ang damo at ang mga bulaklak ay kumukupas, kung sila'y mahipan ng hangin. Ang tao nga ay tulad lamang ng damo.
8 Oo, ang damo'y nalalanta, at kumukupas ang mga bulaklak, ngunit ang salita ng Diyos ay hindi lilipas.
Mayroon ka bang alam na tao na nanatiling maganda o makisig sa habang panahon? Lahat at tumatanda, kumukupas maging ang pinakamaganda at pinakaguapong tao sa mundo. Tulad lamang tayo ng damo na nalalanta at ng bulaklak sa parang na kung mahipan na ng hangin ay nalalaglag at kumukupas. Kapag matanda na ay kulubot na ang balat, manipis ang buhok, wala ng ngipin, malabo na ang mga mata maging ang pandinig, laylay na ang balikat at mahina na ang tuhod (Mangangaral 12). Ito'y mga senyales na malapit ng magwakas ang ating mga araw sa mundo. Bagama't hindi natin alam ang takdang araw at oras kung kailan tayo mamamatay, ang mga bagay na ito ang nagpapahiwatig na sadyang malapit na nga ang takdang araw na iyon.
Sabi sa Mangangaral 12:1 Alalahanin mo ang Lumikha sa iyo sa panahon ng iyong kabataan bago dumating ang mga araw at taon na puno ng kaguluhan, panahong hindi mo na madama ang tamis ng mabuhay.
Paano mo nga aalalahanin ang Lumikha sa iyo? Basahin mo ang Kanyang mga Salita sa Bibliya. Ito ang magpapaalala sa iyo ng Kanyang mga kamangha-manghang ginawa at gagawin pa para sa iyo. Ito rin ang magpapaalab ng lumalamig mo ng pag-ibig sa Kanya...mga Salitang hindi lumilipas o kumukupas man, dumaan man ang maraming bagyo at unos sa buhay mo...mga Salitang magpawalang hanggan na magpapatibay ng iyong pananampalataya sa Kanya.
Isaias 40
27 Israel, bakit ikaw ay nagrereklamo na tila di alintana ni Yahweh ang kabalisahan mo, at tila di pansin ang iyong kaapihan?
28 Di ba ninyo alam, di ba ninyo talos, na itong si Yahweh ang walang hanggang Diyos? Siya ang lumikha ng buong daigdig, hindi Siya napapagod; sa isipan Niya'y walang makatatarok.
29 Ang mga mahina't napapagal ay pinalalakas.
30 Kahit kabataan ay napapagod at nanlulupaypay.
31 Ngunit ang nagtitiwala kay Yahweh ay magpapanibagong sigla. Ang lakas nila'y matutulad sa walang pagod na pakpak ng agila. Sila'y tatakbo ng tatakbo ngunit hindi manghihina, lalakad ng lalakad ngunit hindi mapapagod.
May mga panahon ba na sa iyong pagdarasal itinatanong mo sa Diyos kung bakit tila mandin hindi Niya dinirinig ang iyong mga panalangin? Bakit ka nababalisa at nagkukulang ng tiwala sa Kanya? Hindi ba Niya alam ang nangyayari sa iyo? Hindi pa man bumubukas ang iyong bibig ay alam na Niya ang iyong mga kailangan. Ang paghihintay ay katumbas ng malaking pagtitiwala sa Diyos na lumikha ng buong sandaigdig na ito. Mayroon bang mahirap gawin para sa Diyos? Siya ba'y napapagod at natutulog na katulad natin? Mayroon bang makatatarok ng Kanyang kaisipan o may tao bang hihigit pa sa Kanyang talino at kapangyarihan?
Ano ang dapat nating gawin sa mga oras ng ating paghihintay sa Kanyang kasagutan? Lubos na magtiwala sa Diyos! Dahil ang nagtitiwala sa Diyos ay nagkakaroon ng panibagong sigla, natutulad ang lakas nila sa walang pagod na pakpak ng agila. Sila'y tatakbo ng tatakbo ngunit hindi manghihina, lalakad ng lalakad ngunit hindi mapapagod. Sinasanay tayo ng Diyos sa pakikibaka sa anumang unos na dumating sa ating buhay. Pinatatatag Niya ang ating espirituwal na katauhan na mas mahigit at lalong mas mahalaga sa panlabas na katauhan...pagsasanay na tiyak na magbubunga para sa atin ng mas maganda at matagumpay na buhay dito sa mundo at lalung higit sa langit sa piling ng Amang Diyos at ng Anak na nagdusa at nagbuwis ng buhay para sa atin.
Ibinigay na nga Niya ang Kanyang bugtong na Anak para sa atin, mayroon pa ba Siyang hindi kayang ibigay para sa ikabubuti ng mga nagmamahal sa Kanya?
Click this website for a beautiful song entitled May Bukas Pa:
http://www.youtube.com/watch?v=a9hy7eWEURM
No comments:
Post a Comment